Inilunsad ng Department of Justice (DOJ) ang kampanyang “Sure Ka Na Ba?” upang palakasin ang kaalaman ng publiko sa pagkilala at pag-iwas sa online scams sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga nabibiktima ng mapanlinlang na transaksiyon sa internet.
Layunin ng kampanya na maturuan ang mga Pilipino kung paano matutukoy ang mga kahina-hinalang mensahe, tawag at links bago pa sila mabiktima ng online fraud.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, nakapaloob sa salitang “SURE” ang apat na hakbang na dapat tandaan ng publiko.
Kabilang dito ang Spot o pagtukoy sa posibleng scam; Understand o pag-unawa sa paraan ng panloloko; Report o agarang pagsusumbong sa kinauukulang awtoridad; at Empower o pagtulong sa iba upang hindi rin mabiktima.
Batay sa 2026 State of Scams in the Philippines report ng Global Anti-Scam Alliance, nasa 84 porsiyento ng mga adultong Pilipino ang nakaranas ng scam sa nakalipas na taon, mas mataas kumpara sa 77 porsiyento noong 2025.
Ibinahagi rin ni Vida na maging siya ay nagamit na sa isang impersonation scam kung saan may nagpanggap na siya upang manghingi ng pera sa kaniyang kakilala.
Pinaalalahanan naman ng DOJ ang publiko na ugaliing magtanong ng “Sure ka na ba?” bago mag-click ng kahina-hinalang link, magpadala ng pera o makipagtransaksiyon sa mga kuwestiyonableng alok.
Maaaring ireport sa DOJ sa pamamagitan ng email na cybercrime@doj.gov.ph ang mga kahina-hinalang mensahe at insidente ng online scam. Maaari ring makipag-ugnayan sa kinauukulang awtoridad, bangko o e-wallet provider.











