--Ads--

Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng pagbuga ng abo mula sa Kanlaon Volcano sa Negros Island nitong Linggo ng umaga.

Batay sa inilabas na sped-up camera footage ng ahensya, umabot sa 900 metro ang taas ng ash plume mula sa bunganga ng bulkan bago ito inanod patungong timog-kanluran.

Ayon sa PHIVOLCS, namataan ang ash emission dakong alas-9:08 ng umaga.

Nananatili naman sa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano, na nangangahulugang posible ang biglaang steam-driven o phreatic eruption at mga paunang senyales ng aktibidad ng magma.

--Ads--

Matatandaang nagbuga rin ng abo ang bulkan noong Sabado ng gabi na umabot sa 600 metro ang taas mula alas-9:30 hanggang alas-9:32.

Sa monitoring ng PHIVOLCS nitong Nobyembre 14, nakapagtala rin ang ahensya ng isang volcanic earthquake, habang patuloy na nagpapakita ng inflation o pamamaga ang kabuuang istruktura ng bulkan.

Dahil dito, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) gayundin ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.