--Ads--

Nagkaroon umano ng pagbaba sa bilang ng mga naitatalang vehicular accidents sa bayan ng Luna, Isabela kasabay ng mas pinaigting na preventive measures ng mga kapulisan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj, Jonathan Ramos, Chief of Police ng Luna Police Station, sinabi niya na mayroon silang pinasang ordinansa sa Local Government Unit kung saan ni-localized ang pagbabawal sa mga menor de edad na magmaneho.

Aniya, hindi bumababa sa 20 kada araw ang nahuhuling mga motorsita na lumalabag sa batas-trapiko.

Nakikipag-ugnayan din sila sa Department of Public Works and Highways para sa mga signage lalo na sa mga ongoing road construction upang maiwasan ang aksidente.

--Ads--

Maliban sa pagtutok sa vehicular accidents ay pinananatili rin ng Luna Police Station ang pagiging drug-cleared municipality ng Luna.

Kamakailan lamang ay may tatlong indibidwal na nahuling nagsasagawa ng pot session na sa ngayon ay nasampahan na ng kaso.

Aniya, sa tulong ng Barangay Drug Advocacy Council (BADAC) ay mabilis na namomonitor ang mga indibidwal na nasasangkot sa ilegal na droga gayun na rin ang mga drug surrenderee.

Regular din nilang binibisita ang 12 paaralan sa kanilang nasasakupan upang magbigay ng awareness hinggil sa illegal drugs kundi pati na rin ang pagtutok sa mga security issues ng mga ito.

Nagsagawa rin aniya sila ng surprise inspection sa isang paaralan kung saan nakasamsam sila ng vape o e-cigarettes sa ilang mga estudyante.

Bagama’t pinabili lang umano ng naturang mga estudyante ang kanilang vape sa mga kakilala nilang nasa wastong edad na, mariing binalaan ni PMaj. Ramos ang mga vape shop vendors na huwag bentahan ang mga menor de edad.

Nanawagan din siya sa publiko pangunahin na mga mamamayan sa kanilang nasasakupan na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mas maging maayos at mapayapa ang bayan ng Luna.