--Ads--

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mas pinaigting na pagkakaisa at pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang matugunan ang mga pangunahing hamon sa rehiyon sa pagbubukas ng 49th ASEAN Summit and Related Summits nitong Linggo.

Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ng Pangulo na kabilang sa mga kailangang tutukan ng mga lider ang mga transnational crime gaya ng human trafficking, cybercrime at online scams, gayundin ang pagpapalakas ng maritime cooperation.

Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagtutulungan ng ASEAN at mga external partner nito upang mapagtagumpayan ang mga kasalukuyang hamon at mapakinabangan ang mga oportunidad sa hinaharap.

Kasabay nito, inilabas ang bagong ASEAN emblem bilang pagkilala sa pagpasok ng Timor-Leste bilang ika-11 kasapi ng regional bloc. Ipinasa rin ni Trade Secretary Cristina Roque kay Marcos at ASEAN Secretary-General Dr. Kao Kim Hourn ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA), na naglalayong gawing mas madali at ligtas ang mga digital transaction sa rehiyon.

--Ads--

Sa ilalim ng temang “Navigating Our Future, Together,” inaasahang tatalakayin sa tatlong araw na pagpupulong ang pagpapalakas ng kooperasyon ng mga bansang ASEAN.

Samantala, lima katao ang iniulat na inaresto habang dalawang indibidwal ang nasugatan sa tensiyon sa pagitan ng mga raliyista at pulisya sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, kasabay ng pagsisimula ng summit.

Hinarang ng mga pulis ang mga nagpoprotesta na naglalayong magmartsa patungong Pasay City upang magsagawa ng kilos-protesta malapit sa Philippine International Convention Center (PICC).

Ayon sa isa sa mga nasugatan, tinamaan umano siya sa ulo ng isang pulis gamit ang riot shield. Nauna namang iginiit ng Philippine National Police (PNP) na maaari lamang magsagawa ng kilos-protesta sa mga itinalagang freedom park, habang tiniyak ng mga raliyista na mapayapa ang kanilang pagkilos.