--Ads--

Itinanggi ng anti-mining group na may kinalaman sa pagnanakaw ng ore samples sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang isa nilang kasamahang umano’y nadawit sa naturang insidente noong Nobyembre 15, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino Daynos, lider ng anti-mining group, sinabi nitong nagulat na lamang umano ang kanilang kasamahan na si alyas JP nang magising ito at makitang may mga pulis sa lugar.

Ayon kay Daynos, natutulog lamang umano si JP sa loob ng isang van matapos malasing at wala itong kamalay-malay sa nangyayari sa paligid.

Dagdag pa niya, may kapansanan umano ang kanilang kasamahan at nagpipilay-pilay sa paglalakad kaya nakapagtataka aniya ang pagkakadawit nito sa naturang insidente, lalo’t lasing at natutulog lamang umano ito nang mga oras na iyon.

--Ads--

Iginiit din umano ni alyas JP na hindi sa kaniya ang van na kaniyang pinatulugan at mayroon siyang sariling sasakyan na hindi na niya narating nang mangyari ang insidente dahil sa sobrang kalasingan.

Samantala, sinabi ni Daynos na may mga naiwan pang ore samples sa lugar na nakatumba o nakahandusay na, gayung dati ay nakasalansan ang mga ito.

Sa ngayon, hinihintay pa ng grupo ang magiging kaso laban kay alyas JP at ang desisyon ng piskalya.

Ayon kay Daynos, posibleng umabot sa ₱120,000 hanggang ₱180,000 ang piyansa nito batay sa paunang impormasyong kanilang nakalap.