Nasawi ang isang matandang babaeng Palestinian habang sampung iba pa ang sugatan matapos umanong pagbabarilin ng mga Israeli settler sa Duyuk al-Tahta, kanluran ng Jericho sa West Bank.
Ayon sa ulat, nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Samantala, iginiit ng Israeli military na nauna umanong sinalakay ng ilang Palestinian ang isang sasakyan ng mga Israeli noong Lunes ng gabi gamit ang sasakyan at mga armas.
Sinabi rin ng militar na binato umano ang mga Israeli kaya sila nagpaputok upang maalis ang banta. Gayunman, hindi tinukoy ang eksaktong bilang ng mga nasawi at nasugatan sa insidente.
Naganap ang pamamaril sa gitna ng tumitinding tensyon sa lugar kasunod ng paglipat ng ilang Israeli settler sa mga tahanan ng mga Palestinian sa Jericho noong unang bahagi ng Nobyembre, na naging dahilan upang hindi makabalik sa kanilang mga ari-arian ang ilang residente.











