Mahigpit na binabantayan ng Highway Patrol Group o HPG ang mga sasakyang nakahinto sa gilid ng mga lansangan na walang kaukulang early warning device upang maiwasan ang posibleng aksidente, partikular na sa gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales, Provincial Officer ng Isabela Provincial Highway Patrol Group, sinabi nitong bahagi ng kanilang regular na operasyon ang pag-iikot at pagsubaybay sa mga lansangan upang matukoy ang mga sasakyang nakaparada sa mga lugar na maaaring pagmulan ng aksidente.
Kabilang sa kanilang binibigyang-pansin ang mga cargo truck na nakahinto sa gilid ng kalsada, partikular ang mga namomonitor sa bypass road sa Alicia, Isabela tuwing gabi.
Ipinaliwanag ni Sales na mahalagang maglagay ng early warning device ang mga driver upang magsilbing paunang babala sa mga motorista na may nakahintong sasakyan sa unahan.
Sa ganitong paraan, mabibigyan ng sapat na pagkakataon ang mga paparating na sasakyan na makapagmenor at makaiwas sa posibleng pagsalpok.
Binigyang-diin din ng opisyal na maaaring sitahin at bigyan ng tiket ang mga driver na hindi naglalagay ng kaukulang babala dahil maaari itong magdulot ng obstruction at panganib sa daloy ng trapiko.
Dagdag pa niya, hindi sapat na nasa maayos na puwesto ang isang nakaparadang sasakyan kung wala naman itong early warning device na magsisilbing gabay at babala sa iba pang motorista.











