Umabot na sa mahigit ₱165 milyon ang naipamahaging cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kabuuang 31,429 rice farmers sa Isabela na naapektuhan ng El Niño, sa tatlong batch ng payout.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nitong ₱60 milyon ang naipamahagi sa 11,128 magsasaka sa unang batch, habang ₱99 milyon naman sa 19,147 magsasaka sa ikalawang batch.
Sa ikatlong batch, tumanggap naman ng kabuuang ₱6,058,500 na ayuda ang 1,154 magsasaka, na tig-₱5,250 ang bawat isa sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) program noong Nobyembre 16.
Ayon kay Regional Director Alan, mayroon pang mga susunod na batch ng pamamahagi upang matulungan ang iba pang magsasakang naapektuhan ng El Niño.
Magpapatuloy naman ang payout sa San Mariano, Benito Soliven at Luna sa Nobyembre 19, habang sa Angadanan, San Mateo, Cabatuan at Cauayan City ito isasagawa simula Nobyembre 20 hanggang 24.
Hinimok niya ang mga benepisyaryo na abangan ang mga anunsiyo hinggil sa venue ng payout sa kani-kanilang lugar.
Bukod sa ECT, sinabi ng Regional Director na mayroon pang ibang programa ang DSWD na maaaring mapakinabangan ng mga magsasaka, kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Sustainable Livelihood Program (SLP) na nagbibigay-suporta sa kabuhayan.
Pinayuhan niya ang mga nangangailangan na magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng DSWD upang malaman ang mga kwalipikasyon at proseso ng pagkuha ng tulong.











