Bumaba ang bilang ng mga nahuhuling motorista dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Santiago City ngayong Nobyembre.
Sa kabila nito, patuloy pa ring naitatala ang mga paglabag gaya ng pagmamaneho nang walang valid na lisensya, paggamit ng hindi rehistradong sasakyan, hindi pagsusuot ng helmet at seatbelt.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Dennis Buendia, OIC ng LTO Santiago Extension, sinabi nitong hindi lamang mga motorista sa Santiago City ang kanilang nasasaklaw kundi maging ang mga bumibiyahe mula sa Quirino, Nueva Vizcaya, Cagayan at Maynila.
Ayon sa opisyal, layunin ng kanilang operasyon na hindi lamang maparusahan ang mga lumalabag kundi mahikayat din ang mga itong kumpletuhin ang kanilang mga dokumento at sumunod sa batas-trapiko.
Hinihikayat din ng LTO ang mga walang lisensya na dumalo sa kanilang caravan kung saan nagbibigay sila ng libreng seminar at Theoretical Driving Course o TDC certificate para sa mga kwalipikadong makakakumpleto nito.











