Binatikos ni House impeachment prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang kampo ni Vice President Sara Duterte dahil umano sa halip na sagutin ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente ay mas pinagtutuunan nito ng pansin ang pagpapalabas ng mga lumang video mula sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Chua, tila layunin lamang ng depensa na magpakitang-gilas sa kanilang mga tagasuporta at maglahad ng sariling naratibo upang mailihis ang atensyon ng publiko sa mga isyung kinakaharap ni Duterte.
Sinang-ayunan naman ito ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na nanawagan sa Bise Presidente na magbigay ng direkta at malinaw na paliwanag sa mga alegasyon sa halip na umasa sa pagpapalabas ng mga pinutol at pinagdugtong-dugtong na video.
Matatandaang inilabas ni defense lawyer Atty. Mark Vinluan ang mga lumang pahayag nina yumaong Senador Miriam Defensor-Santiago at dating Chief Justice Corona hinggil sa umano’y panggigipit sa hudikatura noong 2011.
Ginawa ito habang tinatanong ng depensa ang testigong si Atty. Rainer Dela Fuente, dating imbestigador ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), kaugnay ng kasong unexplained wealth sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint.
Patuloy namang hinihingi ng prosekusyon ang paliwanag ng kampo ni Duterte kaugnay ng tinatayang ₱817.87 milyong hindi umano naideklarang yaman at kita ng Bise Presidente at ng kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.











