--Ads--

Mas pinaigting ng Public Order and Safety Division (POSD) ang pagpapatupad ng batas-trapiko sa Cauayan City, partikular ang pagkakadena sa mga sasakyang nakahambalang o nakaparada sa mga pampublikong kalsada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, nilinaw nitong walang pinipili ang kanilang operasyon at pantay na ipinapatupad ang ordinansa sa lahat ng motorista, tricycle man o pribadong sasakyan.

Ayon kay Mallillin, nagbibigay lamang sila ng sampung minutong palugit sa mga motoristang pansamantalang hihinto upang bumili o magsagawa ng transaksiyon. Kapag lumampas dito at nanatiling nakaparada sa bawal na lugar, agad nang ikakadena ang sasakyan.

Ang paglilinaw ay kasunod ng viral post ng isang residente na nagreklamo matapos ikadena ang kaniyang tricycle kahit saglit lamang umano siyang bumili. Kinuwestiyon din nito ang umano’y hindi pantay na pagpapatupad ng ordinansa.

--Ads--

Muling hinimok ng POSD ang mga motorista na sumunod sa mga umiiral na ordinansa upang maiwasan ang obstruction at matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.