--Ads--

Tinalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga hakbang upang labanan ang ilegal at hindi reguladong pangingisda sa kaniyang paglahok sa 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting nitong Huwebes.

Nanawagan ang Pangulo ng mas pinaigting na kooperasyon ng mga bansa upang matugunan ang naturang suliranin.

Kasabay nito, isinusulong din ni Marcos ang paggamit ng artificial intelligence o AI sa pagpapalago ng micro, small, and medium enterprises o MSMEs at ang pagpapaunlad ng sustainable blue economy.

Muli rin niyang pinagtibay ang suporta ng Pilipinas sa isang sistemang pangkalakalan na nakabatay sa mga internasyonal na alituntunin.

--Ads--

Binigyang-pansin din ng Pangulo ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement na nabuo sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN Chair.

Giit ni Pang. Marcos, dapat magkaroon ng direktang pakinabang sa publiko ang mga napagkakasunduan sa APEC, kabilang ang mas maraming oportunidad sa trabaho, mas madaling access sa serbisyong pangkalusugan at paghahanda sa mga hamon ng tumatandang populasyon.