--Ads--

Inaasahang magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy sa mga susunod na linggo sa Cauayan City kasabay ng papalapit na kapaskuhan at pagtaas ng demand sa mga pangunahing pagkain.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Judith Dalmacio, meat vendor sa pamilihan, sinabi nitong nagsimulang gumalaw ang presyo ng karne ng baboy noong nakaraang linggo, kung saan nadagdagan ng ₱20 ang kada kilo nito.

Mula sa dating ₱220 hanggang ₱240 kada kilo, nasa ₱260 hanggang ₱280 na ngayon ang presyo ng karne ng baboy sa pamilihan.

Ayon kay Delmazo, posibleng umabot sa ₱300 hanggang ₱320 kada kilo ang presyo nito pagsapit ng Disyembre kung magpapatuloy ang kasalukuyang trend ng pagtaas.

--Ads--

Samantala, wala pang pagbabago sa presyo ng manok na nasa ₱200 hanggang ₱210 kada kilo, habang nananatili sa ₱150 kada kilo ang hito at galunggong na tilapia, at ₱160 kada kilo naman ang karaniwang tilapia.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng baboy, maaari munang maging alternatibo ng mga mamimili ang manok at isda para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Patuloy namang binabantayan ang galaw ng presyo ng mga pangunahing karne at isda sa pamilihan, lalo na sa mga susunod na linggo kung kailan inaasahang tataas ang demand dahil sa paghahanda para sa mga pagdiriwang ngayong kapaskuhan.