Nakasagupa ng mga sundalo ng Philippine Army ang nasa pitong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Dulao, Malibcong, Abra, bandang alas-4 ng hapon nitong Biyernes, Nobyembre 20.
Ayon kay AMaj. Ed Rarugal, tagapagsalita ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, tumagal ng humigit-kumulang walong minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng 50th Infantry Battalion at mga natitirang miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) ng NPA.
Sinabi ni Rarugal na nagpapatuloy ang law enforcement support operations ng militar sa lalawigan bilang suporta sa Philippine National Police sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Ito ay matapos makatanggap ng mga ulat mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga hindi kilalang armadong indibidwal sa kanilang lugar.
Nabatid na namataan ng mga sundalo ang armadong grupo habang nagsasagawa ng operasyon kaya nauwi sa palitan ng putok matapos makumpirmang may dalang mga baril ang mga ito.
Nilinaw naman ng opisyal na walang nasawi o nasugatan sa panig ng pamahalaan, habang hindi pa matukoy kung mayroon namang casualty sa panig ng kalaban. Wala rin pang naiuulat na nare-recover na armas o iba pang kagamitan mula sa lugar.
Patuloy naman ang hot pursuit operations ng militar upang matunton ang mga natitirang miyembro ng armadong grupo na tumakas matapos ang engkuwentro.
Samantala, sinabi ng opisyal na patuloy nilang hinihikayat ang mga natitirang miyembro ng ICRC na talikuran na ang armadong pakikibaka at samantalahin ang alok ng pamahalaan na magbalik-loob at makipag-usap sa pamamagitan ng localized peace talks.











