--Ads--

Pinalalakas ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Isabela ang kakayahan ng mga itinalagang Community Training and Employment Coordinators o CTECs mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa lalawigan upang maihanda ang mga ito sa pangunguna sa mga programang pangkaalaman at pangkabuhayan sa kanilang mga nasasakupan.

Isinagawa ang pagsasanay sa Isabela School of Arts and Trades sa lungsod ng Ilagan sa pangunguna ng TESDA Isabela.

Ang mga CTECs ay hindi basta mga trainee na kumukuha ng technical-vocational courses kundi mga regular na kawani ng lokal na pamahalaan na itinalaga ng kanilang mga local chief executive o punong-lungsod at punong-bayan upang magsilbing focal person ng mga programa ng TESDA sa kanilang lugar.

Kabilang sa kanilang mga tungkulin ang pagpaplano, pag-oorganisa, pangangasiwa at pagsubaybay sa mga community-based training at enterprise development programs sa kanilang lokalidad.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Director Vilma Cabrera, sinabi nitong mahalagang mapalakas ang kakayahan ng mga CTECs dahil sila ang inaasahang mangunguna sa mga training center na itatatag at pamamahalaan ng mga lokal na pamahalaan.

Aniya, kabilang sa mga bahagi ng pagsasanay ang CPD Level 4 bilang paghahanda sa mga coordinator sa mga kinakailangang proseso para sa pagpaparehistro ng mga training center na pamamahalaan ng mga LGU.

Sa sandaling maisakatuparan ang mga planong ito, magiging mahalagang katuwang ang mga CTECs sa pag-uugnay ng TESDA at ng kanilang mga lokal na pamahalaan, partikular sa pagtukoy sa mga kasanayan at uri ng pagsasanay na kinakailangan ng mga residente.

May mahalaga rin silang papel sa pagpapatupad ng programang Train Local o Localized Opportunities for Knowledge, Access and Lifelong Learning.

Sa ilalim ng inisyatibong ito, binibigyan ng mas malaking papel ang mga lokal na pamahalaan sa pagtukoy sa mga kinakailangang kasanayan sa kanilang komunidad, gayundin sa pagpaplano, paglalaan ng pondo, pagpapatupad at pagsubaybay sa mga programang pangsanay.

Samantala, nilinaw na naiiba ang mga LGU-run training center sa mga institusyong direktang pinangangasiwaan ng TESDA, gaya ng Isabela School of Arts and Trades o ISAT sa lungsod ng Ilagan at Southern Isabela College of Arts and Trades o SICAT sa Santiago City.

Mayroon ding mga pribadong training center na nag-aalok ng mga kursong rehistrado sa TESDA.

Sa mga LGU-run training center, ang lokal na pamahalaan ang mangunguna sa pagpapatakbo at paghahatid ng mga programang pagsasanay, subalit kinakailangan pa ring matugunan ang mga pamantayan at proseso ng TESDA para sa pagpaparehistro ng mga kursong kanilang iaalok.

Sa pamamagitan nito, hindi na lamang sa mga umiiral na institusyon at training center kailangang magtungo ang mga residente upang makakuha ng Technical-Vocational Education and Training o TVET dahil maaari nang mailapit ang mga programang pangsanay sa mismong mga komunidad.

Maaari ring maiangkop ang mga kursong iaalok sa pangangailangan ng lokal na industriya at sa mga oportunidad sa trabaho at kabuhayan sa kanilang lugar.

Kabilang sa mga sektor na natukoy na prayoridad sa mga naunang konsultasyon ng TESDA at mga lokal na pamahalaan sa Isabela ang agrikultura, konstruksyon at turismo.

Dahil dito, inaasahang magiging mahalaga ang papel ng mga CTECs sa pagtukoy ng mga angkop na programa, pakikipag-ugnayan sa TESDA at pagtiyak na ang mga pagsasanay na maihahatid sa kanilang mga bayan ay tumutugon sa aktuwal na pangangailangan ng mga mamamayan.

Layunin ng hakbang na mapalawak ang access sa skills training at mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga Isabelino na magkaroon ng mga kasanayang magagamit sa paghahanap ng trabaho, pagpapalago ng kabuhayan o pagtatayo ng sariling negosyo.