Nakapagtala ng bagong Guinness World Record ang isang stuntman mula Poland matapos tumawid sa zip line nang nakabalot sa apoy ang buong katawan nito.
Kinilala ang stuntman na si Stanisław Madej, 43-anyos, na nakatawid sa layong 568 talampakan at 6.8 pulgada habang nagliliyab ang kaniyang buong katawan.
Isinagawa ni Madej ang mapanganib na stunt noong Oktubre 3 sa Łódź, Poland, bilang pagtatangka sa Guinness World Record para sa pinakamalayong distansyang nalakbay sa zip line habang nagliliyab ang buong katawan.
Ayon kay Madej, gumamit siya ng espesyal na pamproteksiyong kasuotan at pinahiran ng water-based gel upang maprotektahan ang kaniyang katawan laban sa matinding init.
Gayunman, iginiit niyang nananatiling mapanganib at hindi mahuhulaan ang apoy kaya mahalaga ang matinding pag-iingat, konsentrasyon at sapat na kaalaman sa pagsasagawa ng naturang stunt.
Isinagawa niya ang pagtatangka bilang bahagi ng ika-10 anibersaryo ng Tyrolka w Manufakturze zip line sa Manufaktura complex.
Matapos marating ang itinakdang distansya, agad namang pinatay ng kaniyang support team ang apoy sa kaniyang katawan.











