--Ads--

Kinumpirma ng tanggapan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pagtanggap sa notice of complaint na inihain laban sa senador kaugnay ng matagal nitong pagliban sa trabaho sa Senado.

Sa liham na may petsang Nobyembre 19, 2026, na ipinadala kay Senate Committee on Ethics and Privileges Chairperson Sen. Vicente “Tito” Sotto III, sinabi ni Marianne Kristel Dela Rosa-Estoesta, chief of staff ni Dela Rosa, na natanggap nila ang abiso na may petsang Nobyembre 5 hinggil sa reklamong inihain ng grupong Wag Kang KuCorrupt.

Kalakip umano ng natanggap na abiso ang pangunahing reklamo at mga sinumpaang salaysay nina Susan Villanueva, Jasmine Ong, Cielo Magno, Jaimee Baliton at Christopher Cabahug.

Ipinaskil ng grupong Wag Kang KuCorrupt sa kanilang Facebook page nitong Biyernes ang liham ng komite na nagpapaabot ng reklamo laban kay Dela Rosa. Kinumpirma naman ito ni Sotto, na lumagda sa dokumentong may petsang Oktubre 22, 2026.

--Ads--

Sa naturang liham, hinihiling ng Ethics Committee sa tanggapan ng senador na magsumite ng nakasulat na paliwanag at iba pang impormasyong may kaugnayan sa reklamo.

Binigyan si Dela Rosa ng 15 araw mula sa pagtanggap ng notice of complaint upang isumite ang kanyang written response.

Samantala, wala nang iba pang dokumentong isinumite kaugnay ng reklamo maliban sa liham ng komite na may petsang Oktubre 22, 2026.