Nasawi ang dalawang indibidwal matapos mabangga ng isang pampasaherong bus ang isang van sa barangay Lanna, Tumauini, Isabela kaninang umaga, Nobyembre 24.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ferdinand Datul, chief of Police ng Tumauini, Police Station, sinabi nitong parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang national highway patungong north direksyon kung saan nauuna ang van habang sinusundan ito ng bus na minamaneho ni alyas “Jun” na mula sa lalawigan ng Cagayan.
Dahil dito, nagtamo ng injuries ang dalawang sakay ng van na kapwa residente ng bayan ng Tumauini. Isinugod sila sa pagamutan subalit kapwa idineklarang dead on arrival ng kanilang attending physician.
Hindi naman nasaktan ang driver ng bus maging ang mga pasahero nito.
Ayon kay PMaj. Datul, malakas ang ulan nang mangyari ang insidente. Gayunman, patuloy na sinisiyasat ng mga kapulisan ang insidente upang malaman ang kabuuang pangyayari.
Pinaalalahanan naman niya ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.











