--Ads--

Iginiit ng IBON Foundation na mas nararapat na mga bilyonaryo at mayayamang negosyante sa bansa ang maging prayoridad sa panukalang boluntaryong pagbibigay ng tig-P170,000 bilang ambag sa pagbabayad ng pambansang utang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niyang kalokohan lamang ang naturang panukala at hindi ito makalilikha ng makabuluhang solusyon sa lumolobong pagkakautang ng bansa.

Aniya, sa halip na umasa sa boluntaryong kontribusyon ng mga ordinaryong mamamayan, dapat suriin ang sistema ng pagbubuwis sa bansa at tiyaking mas malaki ang naiaambag ng mga mayayaman at malalaking korporasyon.

Iniuugnay rin niya ang usapin sa pagpapatupad ng TRAIN Law, CREATE Law at CREATE MORE Act, na nagbigay ng iba’t ibang tax reductions at incentives sa mga negosyo at korporasyon.

--Ads--

Sa kaniyang pananaw, ang mga naturang polisiya ay nakaaapekto sa kakayahan ng pamahalaan na makalikom ng sapat na buwis, kaya dapat pagtuunan ng pansin ang mas makatarungang sistema ng pagbubuwis sa halip na patuloy na umasa sa pangungutang.

Matatandaang iminungkahi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pagbuo ng mekanismo upang makapagbigay ng boluntaryong kontribusyon ang mga Pilipinong nais tumulong sa pagbabayad ng utang ng bansa.

Sa deliberasyon sa panukalang 2027 national budget noong Nobyembre 23, sinabi ni Cayetano na umabot na sa P19.66 trilyon ang pambansang utang hanggang ikatlong quarter ng 2026, na katumbas umano ng mahigit P170,000 kada Pilipino kapag hinati sa populasyon.

Iminungkahi rin niyang maaaring magsimula sa mayayamang negosyante at pamilya ang naturang hakbang, habang maaari namang mag-ambag nang mas maliit o hulugan ang ibang mamamayan.

Gayunman, sinabi ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na wala pang umiiral na mekanismo para sa ganitong uri ng kontribusyon at iginiit na ang pinakamainam na maitutulong ng publiko ay ang pagbabayad ng tamang buwis.