--Ads--

Bitbit ang layuning mapalawak ang kanilang kaalaman hinggil sa climate change at mga posibleng hakbang sa pag-angkop sa epekto nito, dumalo ang alkalde ng Dinapigue, Isabela kasama ang buong Sangguniang Bayan sa naturang summit sa Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Vicente Mendoza, ikalawang pagkakataon na niyang dumalo sa isang climate-related summit matapos ang una niyang paglahok sa Albay noong 2018.

Nais aniya nilang mapalawak ang kanilang kaalaman sa climate change, partikular sa Super El Niño, at sa mga posibleng epekto nito sa agrikultura at kabuhayan ng mga residente, gayundin sa mga hakbang na maaaring ipatupad ng kanilang lokal na pamahalaan.

Kasama sa dumalo sa summit ang kanilang vice mayor at iba pang miyembro ng Sangguniang Bayan upang sama-samang matuto at makapaghanda sa mga posibleng epekto ng pagbabago ng klima.

--Ads--

Ibinahagi rin ng alkalde na nakaranas kamakailan ang kanilang bayan ng halos isang linggong pag-ulan, bagama’t hindi naman aniya gaanong kalalakas ang mga bagyong kanilang nararanasan kumpara sa mga nagdaang taon.

Sa kabila nito, nais nilang higit na maunawaan ang pagbabago sa pattern ng panahon at ang mga kaukulang paghahanda upang maprotektahan ang kanilang komunidad at mga kabuhayan.

Ipinunto rin na hindi sapat ang pagbabago sa lakas o dalas ng mga bagyo sa loob lamang ng isang taon upang matukoy ang epekto ng climate change, dahil kinakailangan ding suriin ang pangmatagalang pagbabago sa mga kondisyon ng klima.