Nasawi ang dalawang navy officer ng Libyan National Army (LNA) matapos masugatan sa drone attack ng Ukraine laban sa isang Russian warship malapit sa Benghazi Port sa Libya.
Kinilala ng LNA ang mga nasawi na sina Al-Taher Abdullah al-Sadiq at Lieutenant Ali Mohammed al-Said.
Nagtamo ng mga sugat ang dalawa sa pag-atake nitong Linggo ng gabi at sa mga sumunod na pagsabog sa barkong tinarget, bago tuluyang binawian ng buhay nitong Martes.
Dahil dito, nagbabala ang pamunuan ng LNA na gaganti ito, kasabay ng paninindigang ipagtanggol ang soberanya at seguridad ng Libya.
Kinumpirma naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na Ukraine ang nasa likod ng operasyon, kung saan ginamit ang pitong Ukrainian-made naval drones na nagpalubog sa Russian naval corvette at ikinasugat ng sampung katao.
Samantala, ipinagtanggol ni French Foreign Minister Jean-Noel Barrot ang hakbang ng Ukraine, at sinabing karapatan nitong ipagtanggol ang sarili laban sa patuloy na pambobomba at pagsalakay ng Russia.
Naghain na rin ng reklamo sa United Nations ang pamahalaang nakabase sa Eastern Libya upang hilingin ang pagsasagawa ng international investigation sa naturang pag-atake.











