--Ads--

Hindi bababa sa limang katao ang nasawi habang mahigit sampung indibidwal ang nasugatan sa magkakasunod na pag-atake ng Russia sa iba’t ibang bahagi ng Ukraine, na nagdulot din ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa limang rehiyon.

Ayon kay Deputy Energy Minister Artem Nekrasov, kabilang sa mga naapektuhan ang Dnipropetrovsk, Donetsk, Zaporizhia, Odesa at Kharkiv.

Matinding pinsala sa mga pasilidad ng enerhiya ang naitala sa Zaporizhia at Dnipropetrovsk, na mahalaga sa suplay ng kuryente.

Dahil sa pag-atake, nawalan din ng suplay ng kuryente ang Zaporizhzhia Nuclear Power Plant na kontrolado ng Russia at napilitang gumamit ng mga diesel generator. Ito na umano ang ika-17 beses na nawalan ng panlabas na suplay ng kuryente ang naturang planta ngayong taon.

--Ads--

Ayon sa Ministry of Energy ng Ukraine, nagpapatuloy ang pagkukumpuni sa mga napinsalang pasilidad, bagama’t nahahadlangan ito ng sunod-sunod na pag-atake at mga babala ng air raid.

Samantala, dalawang katao ang nasawi at tatlo ang nasugatan, kabilang ang isang bata, sa pag-atake sa Odesa noong Martes ng gabi.

Isa rin ang nasawi sa Chernihiv region at isa sa Kramatorsk sa Donetsk region. Sa Kharkiv naman, isang katao ang nasawi habang 14 ang nasugatan matapos atakihin ang lungsod at anim na iba pang pamayanan.

Maging ang kabisera ng Kyiv ay inatake rin ng mga drone na nagdulot ng sunog sa isang mataas na gusali ng apartment at ikinasugat ng dalawang katao.

Samantala, sa Russia, isang katao rin ang nasawi matapos ang pag-atake ng Ukrainian drone sa Samara region na nagdulot din ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa lugar.