Iaapela ni Kitty Duterte ang desisyon ng Supreme Court (SC) na ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa pag-aresto sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Atty. Paolo Panelo, abogado ng pamilya Duterte, labis silang nadismaya sa naging desisyon ng kataas-taasang hukuman.
Sina Kitty at ang kanyang mga kapatid na sina Davao City Mayor Sebastian Duterte at Congressman Paolo Duterte ang magkakasamang naghain ng mga petisyong habeas corpus upang kuwestiyunin ang pag-aresto sa kanilang ama noong Marso 2025.
Iginiit ng magkakapatid na ilegal ang pag-aresto sa dating pangulo dahil kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC.
Gayunman, ibinasura ng SC ang mga petisyon dahil moot and academic na umano ang mga ito, dahil nasa kustodiya na ng ICC sa The Hague, Netherlands, ang dating pangulo.
Ipinaliwanag din ng korte suprema na maipatutupad lamang ang domestic legal remedies sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.











