Binawasan ng Senado ng halos ₱19.8 bilyon ang nakalaang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Medical Assistance Program (MAP) sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, tig-₱9.9 bilyon ang ibinawas sa dalawang programa upang ilipat sa subsidy ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Dahil dito, aabot na sa ₱94.2 bilyon ang pondo ng PhilHealth mula sa dating ₱73 bilyon.
Inaasahan namang mapalalawak nito ang pondo para sa zero-balance billing, preventive care, immunization at pagpapahusay ng mga pampublikong ospital.
Samantala, tiniyak ni Ejercito na muling susuriin ang mga posibleng duplicate o dobleng alokasyon sa panukalang pambansang badyet.
Hinimok din niya ang mga budget watchdog at publiko na tumulong sa pagtukoy ng mga kuwestiyonableng proyekto at alokasyon.










