Ikinatuwa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region 2 ang pagkakapasa ng bagong wage order na magbibigay ng dagdag-sahod sa mga minimum wage earner sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Johnny Alvaro, Labor Sector Representative ng RTWPB Region 2, sinabi nitong bagama’t mas mababa sa kanilang unang kahilingan ang naaprubahang dagdag-sahod, tinanggap nila ito matapos timbangin ang pangangailangan ng mga manggagawa, kapasidad ng mga employer at posisyon ng pamahalaan.
Aniya, naging unanimous ang desisyon matapos mapagkasundo ang mga konsiderasyon ng tatlong sektor.
Binigyang-diin din ni Alvaro ang pangangailangang mahigpit na ipatupad ang wage order dahil may mga manggagawang hindi nakatatanggap ng tamang minimum wage ngunit natatakot magreklamo dahil baka mapag-initan ng kanilang employer.
Hiniling din niyang bigyan ng higit na pansin ang kapakanan ng mga kasambahay na kabilang sa mga mahihirap na sektor ng manggagawa.
Iminungkahi rin niya ang pagkakaroon ng mandatoryong benepisyo para sa lahat ng manggagawa, kabilang ang Pag-IBIG, PhilHealth, SSS at mga serbisyong pangkalusugan tulad ng YAKAP program, upang makinabang din sila sa mga benepisyong panlipunan.











