--Ads--

Pabor ang Federation of Free Farmers sa posibilidad na muling payagan ang National Food Authority o NFA na magbenta ng bigas sa merkado, subalit iginiit na kailangang magkaroon ng mahigpit na safeguards upang maiwasan ang katiwalian at maprotektahan ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka.

Ito ay kasunod ng naging talakayan sa budget deliberation sa Senado hinggil sa posibilidad ng pagbabalik ng pagbebenta ng NFA rice sa merkado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi nitong makatutulong ang pagbebenta ng NFA rice sa mas mababang presyo upang magkaroon ng mas murang alternatibo ang mga mamimili, partikular ang mga pamilyang kapos sa kita.

Gayunman, binigyang-diin nito ang pangangailangang maiwasan ang dating problema kung saan hinahalo umano ng ilang rice retailers ang murang NFA rice sa kanilang commercial rice stocks at ibinebenta ang kombinasyon sa mas mataas na presyo.

--Ads--

Iminungkahi rin niyang limitahan ang volume ng NFA rice na ibebenta at direktang ipamahagi ito sa mga kwalipikadong mahihirap na mamimili sa pamamagitan ng mga piling outlet gaya ng Kadiwa stores.

Sa ganitong paraan, inaasahang matutugunan ang pangangailangan ng mga mamimili nang hindi labis na naaapektuhan ang presyo ng palay na tinatanggap ng mga lokal na magsasaka.

Dagdag pa ni Montemayor, mahalagang mapanatili ang balancing act ng NFA sa pagbili ng palay sa makatarungang presyo at pagbebenta ng bigas sa abot-kayang halaga.

Samantala, hinggil sa posibilidad na sabayan ito ng rice importation, sinabi ni Montemayor na dapat ding pag-aralan nang mabuti ang anumang hakbang na magbabalik sa kapangyarihan ng NFA na umangkat ng bigas dahil maaari itong pagmulan ng katiwalian kung walang mahigpit na safeguards.