Nilinaw ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi lahat ng Pilipino ang hinihikayat niyang magbigay ng tig-P170,000 bilang kontribusyon sa pagbabayad sa utang ng bansa.
Sa budget deliberations ng Department of National Defense (DND) para sa 2027, hinimok ni Cayetano ang mga news anchor na magsagawa muna ng masusing pananaliksik at iwasan ang pagiging biased sa pagtalakay sa kanyang suhestyon.
Paliwanag ng senador, ang nais niyang mag-ambag ay ang pinakamayayamang isang porsiyento lamang ng populasyon at hindi ang ordinaryong mamamayan na sapat lamang ang kinikita para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon kay Cayetano, kung magbibigay ng tig-P170,000 ang bawat kabilang sa pinakamayayamang 1% ng bansa, posibleng makalikom ng hanggang P200 bilyon.
Dagdag pa niya, kung magiging matagumpay ang ganitong volunteerism at generosity, maaari ring magkaroon ng pagkakataong mapababa ang value-added tax (VAT) mula 12 porsiyento sa 10%.











