Tinatayang aabot sa P264,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala matapos masunog ang dalawang establisyemento at apat na kuwartong paupahan sa Purok 1, Barangay Victory Norte, Santiago City, tapat ng public market, nitong Nobyembre 27, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Oliver Gonzaga, Chief Intelligence and Investigation Unit ng BFP Santiago City, sinabi nitong nakatanggap sila ng distress call alas-12:31 ng madaling-araw hinggil sa sunog.
Kabilang sa mga nasunog ang isang bentahan ng mantika, meat shop at apat na kuwartong paupahan. Kinailangan pa ng mga bombero na magsagawa ng forcible entry dahil nakasara ang isa sa mga establisyemento.
Umabot sa limang fire truck mula sa BFP Santiago City at SSAA, kasama ang isang ambulansya, ang rumesponde. Halos isang oras bago tuluyang naapula ang apoy.
Batay sa pahayag ng isang saksi, nakarinig ito ng sunod-sunod na tunog na tila electrical sparks bago napansin ang apoy sa bahagi ng kisame ng isa sa mga paupahan.
Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang insidente, ngunit posibleng may kaugnayan ito sa electrical problem dahil sa mga appliances na nasa mga establisyemento at paupahan.
Wala namang naiulat na nasaktan matapos na ligtas na makalabas ang mga nangungupahan sa likurang bahagi ng mga establisyemento.
Samantala, patuloy pang inaalam ang kabuuang halaga ng pinsala sa sunog.











