Pinaniniwalaang isang nakasaksak na electric fan ang posibleng pinagmulan ng sunog na sumiklab sa isang bahay sa Barangay Sillawit, Cauayan City
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer 1 Vincent Warren Plana, imbestigador ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City Fire Station, sinabi nitong agad silang rumesponde matapos matanggap ang ulat ng sunog at nagsagawa ng firefighting operation.
Ayon kay FO1 Plana, lumabas sa kanilang paunang imbestigasyon na walang tao sa bahay nang mangyari ang insidente dahil nagtungo ang pamilya sa bahay ng kanilang anak na ikinakasal.
Batay sa pahayag ng may-ari, naiwan umanong nakasaksak ang isang electric fan na nakakabit sa extension cord. Bagama’t nakapatay ang switch ng bentilador, hindi ito nabunot sa mismong saksakan.
Isa ito sa mga pangunahing anggulong tinitingnan ng BFP bilang posibleng sanhi ng sunog, dahil maaaring nagkaroon ng loose connection o electrical ignition na nagpasimula ng apoy.
Inamin din umano ng may-ari na nakagawian na nilang iwanang nakasaksak ang ilang appliances kapag umaalis ng bahay.
Ang bahay ay yari sa pinaghalong kongkreto at light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy. Dahil dito, tuluyang natupok ang buong bahay.
Tinatayang nasa ₱200,000 ang halaga ng pinsala, bagama’t sasailalim pa ito sa follow-up investigation upang matukoy ang eksaktong halaga ng mga nasirang ari-arian.
Wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente.
Samantala, muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko na ugaliing bunutin sa saksakan ang lahat ng electrical appliances bago umalis ng bahay. Kabilang sa mga dapat tiyaking hindi na nakasaksak ang electric fan, rice cooker, plantsa at iba pang kagamitang de-kuryente upang maiwasan ang mga sunog na dulot ng electrical ignition.










