--Ads--

Sugatan ang isang motorista matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Sillawit, Cauayan City, Isabela, dakong alas-7:50 ng gabi nitong Sabado, Nobyembre 28.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, ang unang motorsiklo o Vehicle 1 ay minamaneho ng isang 26-anyos na lalaki, helper at residente ng Barangay Minanga, San Mariano, Isabela.

Samantala, minamaneho naman ang ikalawang motorsiklo o Vehicle 2 ng isang 24-anyos na lalaki na residente ng Barangay Santo Domingo, Echague, Isabela.

Nabatid na nasa unahan ang Vehicle 1 habang sinusundan naman ito ng Vehicle 2.

--Ads--

Pagdating sa bahagi ng highway malapit sa isang laundry shop, lumiko umano pakanan ang Vehicle 1 nang mabangga ito ng kasunod na Vehicle 2 sa kaliwang bahagi.

Dahil dito, nagtamo ng injuries sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng unang motorsiklo, habang hindi naman nasaktan ang driver ng ikalawang motorsiklo.

Kapwa napinsala ang sangkot na mga sasakyan subalit hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga ito.

Matapos ang insidente, dinala sa himpilan ng pulisya ang dalawang driver kasama ang mga sangkot na motorsiklo para sa kaukulang dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye ng aksidente.