--Ads--

Natukoy na ng gobyerno ang kinaroroonan ng mga Pilipinong napaulat na na-rekrut sa Russia at napadpad sa frontline ng digmaan sa Ukraine.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi muna maaaring isapubliko ang eksaktong lokasyon at bansang kinasasangkutan dahil sa maselang operasyong isinasagawa upang matulungan ang mga ito.

Tiniyak din niya na kumikilos na ang pamahalaan para mailigtas ang mga Pinoy na unang napaulat na humingi ng tulong sa tanggapan ni Sen. Raffy Tulfo.

Ayon sa mga ulat, na-rekrut umano ang mga Pilipino bilang construction workers ngunit kalaunan ay napunta sa kampo ng militar.

--Ads--

Sinabi ni Castro na agad na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW), sa pangunguna ni Secretary Hans Cacdac, na hanapin ang mga Pilipino.

Nakipag-ugnayan na rin ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), at National Bureau of Investigation (NBI) para sa koordinadong pagtulong sa grupo.

Samantala, sinabi ng DFA na nagsasagawa na ito ng mga hakbang upang beripikahin ang pagkakakilanlan at kalagayan ng mga Pilipino.