--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Abra Police Provincial Office na hindi pa opisyal ang pagkakadeklara sa apatnapu’t walong barangay na nasa ilalim ng comelec control.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt Ronaldo Eslabra, tagapagsalita ng Abra Police Provincial Office na ang apatnapu’t walong barangay ay inirekomenda ng COMELEC na areas of concern dahil sa election related violence at intense political rivalry pero ang COMELEC control ay wala pang naibababa sa kanila dahil pending pa ang petisyon para ideklara ang mga naturang barangay na under COMELEC control.

Aniya, may mga nakasailalim sa yellow at orange category pero wala namang red category.

Tinututukan naman ng mga pulis, mga local government officials at kanilang force multipliers ang mga areas of concern para matiyak ang kapayapaan hanggang sa araw ng halalan.

--Ads--

Ayon kay PCapt. Eslabra, mula ng magsimula ang araw ng pangangampanya noong ikalabing siyam ng Oktubre ay wala pa naman silang naitala na hindi kanais-nais na pangyayari.

Sa mga naipopost sa social media tungkol sa pag-iikot umano ng ilang grupo sa kanilang lugar at nananakot ay ivavalidate pa nila para matiyak kung totoo ang mga ito at mabigyan ng seguridad ang mga mamamayan.

Hinikayat naman nila ang mga mamamayan na mas magandang sa mga otoridad ipaalam ang mga nangyayari sa kanilang barangay at huwag lang ipost sa social media para agad na maaksyunan.

Kaugnayan naman sa barangay kagawad na nabaril sa Abra ay patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng pulisya.

Nakilala naman aniya ang suspek dahil nakita ito ng anak ng biktima.

Nanawagan ang Abra Police Provincial Office sa mga mamamayan na maging mahinahon lang at huwag patulan ang mga kumakalat na balita para maiwasan ang pekeng balita.