Umabot sa 35 barko ng China Coast Guard o CCG at People’s Liberation Army Navy o PLAN ang namonitor ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa apat na pangunahing bahagi ng West Philippine Sea mula Setyembre 15 hanggang 21.
Mas mababa ito kumpara sa 48 Chinese vessels na naitala ng militar noong Setyembre 8 hanggang 14.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, apat na CCG vessel at pitong PLAN ship ang namataan sa Ayungin Shoal.
Sa Bajo de Masinloc naman, 10 CCG at anim na PLAN vessel ang namonitor, habang apat na CCG vessel ang nakita sa Escoda Shoal.
Tatlong CCG vessel at isang PLAN ship naman ang naitala sa paligid ng Pag-asa Islands.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na magpapatuloy ang naval at air patrols ng militar bilang bahagi ng territorial at maritime security operations ng bansa.
Ayon sa AFP, isinasagawa ang mga operasyon alinsunod sa mga batas ng Pilipinas, international law at umiiral na maritime procedures.









