--Ads--

Kinondena ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pagbangga ng barko ng China Coast Guard sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa West Philippine Sea.

Ayon kay Teodoro, maituturing itong paglabag sa international law at hindi dapat balewalain ng Pilipinas.

Sinabi ng kalihim na kung may nasugatan sa insidente, maaari itong ituring na criminal act at hindi lamang paglabag sa maritime rules and regulations.

Binigyang-diin ni Teodoro na seryosong tinututukan ng Department of National Defense ang insidente at bumubuo na ng mga hakbang upang matugunan ang naturang paglabag.

--Ads--

Naganap ang insidente noong Biyernes, Setyembre 18, malapit sa Abad Santos Shoal, na nasa layong 54 nautical miles mula sa Palawan at sakop ng 200-nautical-mile exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas.