Ikinababahala ng mga awtoridad ang tumataas na bilang ng mga naitatalang aksidente sa lansangan sa Santiago City kung saan human error ang kadalasang sanhi, batay sa monitoring ng Traffic Enforcement Unit sa nakalipas na tatlong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao, Acting Chief ng TEU, sinabi nito na malaking bahagi ng naitalang road accident ay nag-uugat sa kawalan ng disiplina at maling pagtatantiya ng mga motorista habang nagmamaneho.
Ipinaliwanag niya na gumagamit ang kanilang tanggapan ng crime at incident based recording system kaya mas malawak ang kanilang datos sa mga insidenteng nagaganap sa lungsod.
Ayon kay PMaj. Aggabao, mula Enero 2026 hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa kabuuang 77 road accident ang kanilang tanggapan. Sa nasabing bilang, 59 ang inuugnay sa reckless driving, isang dulot ng miscalculation at isa naman ang may kaugnayan sa intoxicated driving na pawang kabilang sa kategoryang human error.
Sa kaparehong panahon noong 2025, 63 na aksidente sa lansangan ang naitala kung saan 37 dito ang may kaugnayan sa recklessness, tig-siyam ang overspeeding at miscalculation, habang walo naman sangkot sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak.











