--Ads--

Sinimulan na ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang pagsusuri sa umano’y paghatid ng mga maleta na puno ng pera ng dating miyembro ng Philippine Marine Corps sa iba’t ibang indibidwal.

Ayon kay Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, nagsagawa siya ng paunang imbestigasyon bago isumite ni Senator Imee Marcos ang resolusyon nitong Miyerkules na humihiling ng masusing pagsisiyasat sa isyu.

Inihayag ni Lacson na unang susuriin ang pinagmulan ng impormasyon, na sa kasong ito ay ang labing-walong umano’y dating Marine personnel na nagpakita sa isang press conference noong nakaraang Martes. Susunod naman ay titingnan ang kredibilidad at pagiging maaasahan ng nilalaman ng kanilang affidavit.

Sinabi rin ni Lacson na nagsulat siya sa Philippine Navy at Philippine Army upang magsagawa ng record check at background investigation sa labing-walong umano’y dating miyembro ng Philippine Marine Corps.

--Ads--

Noong Martes, inakusahan ng 18 ex-Marines ang ilang indibidwal ng pagtanggap ng pera mula kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co. Ayon sa kanila, si Co at dating senador Antonio Trillanes IV umano’y nagpondo ng hotel accommodations para sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).

Dagdag pa ng ex-Marines, naghatid din umano sila ng pera sa bahay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Ilocos Norte.