--Ads--

Sugatan ang isang binata matapos umano itong paulit-ulit na suntukin ng kanyang katrabaho sa isang farm sa Barangay Silawit, Cauayan, Isabela kagabi, Hunyo 1.

Ang biktima ay itinago sa alaya na “Carl,” 21-anyos at residente ng San Manuel, Naguilian, Isabela. Ang itinuturong suspek naman ay ang isang 24-anyos na lalaki na residente ng Rang-ayan, Mallig, Isabela, na agad ding  isinailalim sa kustodiya ng mga awtoridad.

Batay sa paunang imbestigasyon, magkatrabaho at magkasamang naninirahan sa isang farm ang biktima at suspek. Bago ang insidente ay nagkaroon umano sila ng inuman kasama ang iba pa nilang kasamahan.

Habang nag-iinuman, napansin umano ng suspek na siya ay pinag-uusapan ng kanyang mga kasamahan dahilan upang mainis ito. Matapos makainom ng ilang bote ng alak, nagpasya ang grupo na tapusin ang inuman at bumalik sa kani-kanilang silid.

--Ads--

Gayunman, habang naghahapunan ang biktima, bigla umang sumulpot ang suspek sa likuran ng biktima at paulit-ulit na pinagsusuntok sa ulo.

Narinig ng kanilang mga kasamahan ang komosyon ngunit hindi agad naawat ang suspek hanggang sa kusa itong tumigil sa pananakit.

Aminado naman ang suspek sa ginawang pananakit at boluntaryong sumuko sa mga rumespondeng kapulisan ng Cauayan City Police Station.