Isinalaysay ng isa sa tatlong anti-mining members na inaresto ng pulisya sa Kasibu, Nueva Vizcaya, ang kanilang naging karanasan sa insidente sa isang anti-mining barricade noong Agosto 19.
Kabilang sa mga inaresto sina Lei Jin Dugay, Don Dugay at June Fataccad, na mga miyembro ng Kasibu Inter-Tribal Response for Ecological Development o KIRED.
Ayon sa mga grupong sumusuporta sa komunidad, pinalaya rin ang tatlo noong araw ding iyon matapos makapagpiyansa kaugnay ng mga reklamong grave coercion at paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leijin Dugay, sinabi niyang hanggang ngayon ay dala pa rin nila ang takot matapos niyang makita kung paano umano hinawakan at hinila ng mga pulis ang kanyang ama bago ito posasan.
Aniya, nagsimula ang tensyon matapos magkaroon ng pag-uusap noong Agosto 18 sa pagitan ng mga opisyal ng barangay at mga residente mula sa anim na barangay hinggil sa pagpasok ng krudo sa lugar.
Napag-usapan umano na limang drum ng krudo ang ipapasok. Ngunit kinaumagahan, Agosto 19, dumating ang isang dump truck na may dalang anim na drum ng krudo.
Sinabi ni Dugay na nabanggit umano ng isang kagawad na gagamitin ang equipment ng North Luzon Resource Management Corporation o NLRMC, isang mining company, para sa pagdadala ng krudo.
Dahil dito, tinutulan umano ng mga residente ito at nakiusap na pag-usapan muna ang sitwasyon.
Ayon kay Dugay, isang Sangguniang Bayan Councilor din ang tumawag noong umaga na yun at nagsabing pupunta sila sa kanilang alkalde upang humingi ng equipment ng munisipyo.
Dahil dito, nagkaroon umano ng pagkakasundo ang magkabilang panig na gamitin na lamang ang equipment ng munisipyo.
Gayunman, bigla umanong dumating ang mahigit 20 pulis na pinamumunuan ni Police Chief Lloyd Guillermo at namagitan sa sitwasyon.
Sinabi ni Dugay na ipinaliwanag ng kanyang ama sa mga pulis na mayroon nang napagkasunduan ang magkabilang panig, ngunit iginiit pa rin umano ng hepe na ipasok ang krudo.
Ddagdag pa niya, dito na umano nagsimula ang tensyon hanggang sa unang lapitan ng mga pulis ang kanyang kapatid at hawakan ito.
Nang pupunta naman na sana ang kanyang ama sa kanyang higaan malapit sa area, sinabi ni Dugay na bigla rin itong hinawakan ng ilang pulis at tuluyang pinosasan.
Ayon pa sa kanya, hindi umano sila agad nabasahan ng Miranda rights matapos arestuhin.
Dinala sila sa police station at sumailalim sa medical examination. Habang nasa ospital pa umano sila, inihanda na ang kasong isinampa laban sa kanila na nagmula sa dalawang kagawad at isang driver.
Samantala, sinabi ni Dugay na naging tahimik na ang sitwasyon sa ngayon sa barikada mula Agosto 21 dahil wala nang mga pulis na pumupunta roon.
Nilinaw niya na hindi naman ipinagbabawal ng mga anti-mining members ang pagdaan ng mga sasakyan sa barikada.
Ang kanilang sinusuri lamang umano ay ang mga kargamento ng krudo, lalo na kapag maramihan, upang matiyak na hindi ito pag-aari ng mining company.
Paliwanag ni Dugay, nangangamba silang kapag nakapasok ang krudo sa lugar, maaari nang magpatuloy ang drilling at iba pang operasyon ng mining company.
Sa ngayon, hinihintay umano nila ang equipment ng munisipyo na gagamitin sa pagdadala ng krudo para sa pagpapatupad ng farm-to-market road project.











