--Ads--

Patay ang isang armadong lalaki matapos siyang paputukan ng mga tauhan ng United States Secret Service at mga tauhan ng Palm Beach County Sheriff’s Office nang ilegal na makapasok sa secure perimeter ng Mar-a-Lago nitong Linggo ng madaling-araw.

Ayon sa mga awtoridad, bandang 1:30 a.m. nang pumasok ang isang lalaki na nasa edad 20 sa loob ng bakuran ng Mar-a-Lago sa pamamagitan ng north gate, kasabay ng paglabas ng isang empleyado. Nakapasok umano siya ng humigit-kumulang 20 hanggang 30 yarda bago hinarang ng mga nagpapatrolyang opisyal.

Sinabi ni Palm Beach County Sheriff Ric Bradshaw sa isang press conference na ang lalaki ay may dalang shotgun at isang lalagyan ng gasolina. Inutusan umano siya ng isang deputy at dalawang ahente ng Secret Service na ibaba ang mga hawak. Ibinaba ng lalaki ang lalagyan ng gasolina ngunit itinaas ang shotgun, dahilan upang paputukan siya ng mga opisyal. Idineklara siyang patay sa lugar ng insidente.

Wala namang nasugatang miyembro ng law enforcement sa pangyayari. Ayon sa sheriff, may suot na body camera ang mga sangkot na opisyal.

--Ads--

Sa oras ng insidente, nasa White House sa Washington, DC si US President Donald Trump at unang ginang.

Kinumpirma ng mga awtoridad na ang lalaki ay mula sa North Carolina at iniulat na nawawala ng kanyang ina noong Sabado. Hindi pa inilalabas ang kanyang pangalan habang hindi pa naipaaalam sa pamilya ang pangyayari.

Ang Federal Bureau of Investigation (FBI) naman ang nangunguna sa imbestigasyon. Kasalukuyang nangangalap ng ebidensiya ang mga imbestigador at sinusuri ang background at posibleng motibo ng lalaki.

Hinihikayat din ng mga awtoridad ang mga residente malapit sa lugar ng insidente na suriin ang kanilang mga CCTV camaera at makipag-ugnayan sa pulisya kung may mapansing kahina-hinalang aktibidad.

Ang mga tauhan ng Secret Service na sangkot sa insidente ay pansamantalang ilalagay sa administrative leave habang isinasagawa ang imbestigasyon, alinsunod sa patakaran ng ahensiya.

Nangyari ang insidente sa gitna ng tumitinding karahasang may kaugnayan sa pulitika sa Estados Unidos, kabilang ang mga naunang banta at tangkang pag-atake laban sa mga opisyal ng pamahalaan.