Tutungo sa Rome, Italy si Cebu Archbishop Alberto “Abet” Uy upang tanggapin ang pallium mula kay Pope Leo XIV sa isang seremonyang gaganapin sa St. Peter’s Basilica sa Hunyo 29, 2026.
Ang pallium ay isang sagradong kasuotan na isinusuot ng Santo Papa at mga metropolitan archbishop bilang sagisag ng kanilang tungkulin bilang mabuting pastol at ng kanilang pakikipagkaisa sa Santo Papa at sa Simbahang Katolika sa buong mundo.
Kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo ang naturang seremonya na dadaluhan din ng iba pang bagong talagang metropolitan archbishops mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Si Uy ay dating nagsilbing obispo ng Diyosesis ng Tagbilaran sa Bohol bago italaga upang pamunuan ang Archdiocese ng Cebu bilang kapalit ni Archbishop Jose Palma na umabot na sa itinakdang edad ng pagreretiro na 75 taong gulang.
Siya ang ikalimang arsobispo ng Archdiocese ng Cebu na kasalukuyang nangangasiwa sa mahigit 170 parokya sa rehiyon.
Humiling naman siya ng panalangin para sa kanyang paglalakbay at sa kanyang ministeryo bilang pinuno ng isa sa pinakamalalaking Archdiocese sa bansa.











