Nagsampa ng kasong kriminal na perjury si abogado Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban kay dating senador Antonio Trillanes IV sa Pasig City Prosecutor’s Office kaugnay ng mga pahayag nito sa pagdinig ng House impeachment inquiry laban sa bise presidente.
Nag-ugat ang reklamo sa 11-pahinang notarized sworn statement na inihain ni Trillanes sa House Committee on Justice noong Abril 22, 2026 bilang bahagi ng impeachment proceedings laban kay Duterte.
Sa kanyang affidavit, inakusahan ni Trillanes sina Carpio at Vice President Sara Duterte na umano’y may joint bank accounts na nagkakahalaga ng ₱111.6 milyon noong Abril 2016, at iginiit na ang pera ay may kaugnayan sa umano’y drug-related transactions ng isang indibidwal na kinilalang “Sammy Uy.”
Mariing itinanggi ni Carpio ang mga alegasyon at inilarawan ang mga ito bilang “ganap na kasinungalingan, malisyoso, mapanirang-puri, at purong black propaganda.”
Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ni Carpio na wala siyang ₱100 milyon sa kanyang mga bank account at itinanggi rin niya ang anumang pagkakasangkot sa ilegal na droga o pagtanggap ng pera mula sa sinumang personalidad na may kaugnayan dito, kabilang si Sammy Uy.
Iginiit ni Carpio na nilabag umano ni Trillanes ang Article 183 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act 11594, dahil sa paggawa umano ng maling pahayag sa ilalim ng panunumpa hinggil sa isang mahalagang usapin sa harap ng isang awtoridad.
Binanggit din ng kampo ni Carpio ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Garrido vs. Gadon, na nagsasabing ang mga sinumpaang pahayag na nakabatay lamang sa hearsay at walang personal na kaalaman ay maaaring magresulta sa pananagutang perjury kung ihaharap bilang katotohanan.
Ayon pa kay Carpio, walang naipakitang ebidensya si Trillanes na nagpapatunay na umiiral ang umano’y mga bank account o na ang mga pondong ito ay mula sa ilegal na pinagmulan. Aniya, nakabatay lamang umano sa “hearsay at double hearsay” ang mga akusasyon.
Tinukoy rin sa reklamo ang 2017 Senate Blue Ribbon Committee Report 168, na ayon kay Carpio ay naglinis sa kanya at kay Davao City First District Rep. Paolo Duterte mula sa mga naunang alegasyon kaugnay ng ilegal na droga dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Dagdag pa ni Carpio, mismong si Trillanes umano ang bumoto noon sa Senate inquiry upang hindi na sila obligahing muling tumestigo matapos umanong walang ebidensyang nag-uugnay sa kanila sa drug smuggling.
Binanggit din sa reklamo ang 2018 Ombudsman fact-finding report na nagbasura sa mga reklamo laban kay Carpio dahil sa “utter lack of basis.”
Sa ilalim ng Republic Act 11594, ang perjury ay may kaparusahang pagkakakulong ng anim hanggang walong taon para sa mga pribadong indibidwal, at hanggang 12 taon naman para sa mga public officer.
Ayon pa kay Carpio, ang mga alegasyon ni Trillanes ay may bahid pulitika at nakasira umano sa reputasyon ng kanilang pamilya.











