Plano ng House Prosecution Panel na iharap bilang hostile witness si Atty. Michael Poa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, isa sa mga dahilan nito ay kabilang si Poa sa defense team ng ikalawang pangulo.
Gayunman, nilinaw ni Adiong na ang impeachment court pa rin ang may pinal na desisyon kung maaari ngang ituring na hostile witness si Poa.
Umaasa naman ang prosekusyon na magiging mahalaga ang testimonya ni Poa kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Department of Education noong kalihim pa nito si Duterte.
Si Poa ay dating Assistant Secretary at spokesperson ng DepEd at kabilang sa mga opisyal na tumugon sa mga Audit Observation Memoranda na inilabas ng Commission on Audit o COA.
Ayon kay Adiong, tulad ni OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio, inaasahang malawak din ang kaalaman ni Poa sa proseso ng pag-request, release at liquidation ng confidential funds ng DepEd.











