Kinumpirma ng Police Regional Office 2 (PRO 2) na natukoy na ang motibo sa karumal-dumal na krimen sa Sto. Tomas, Isabela kung saan apat ang nasawi, kabilang ang isang barangay kapitan at isang pulis.
Ayon sa PRO 2, pulitika ang pangunahing anggulong lumabas sa masusing imbestigasyon. Patuloy ang pagtatrabaho ng Special Investigation Task Group upang maaresto ang mga responsable, at tukoy na rin ang mga person of interest.
Samantala, personal na nagpaabot ng tulong pinansyal si PRO 2 Regional Director, PBGEN Mariano C. Rodriguez, sa pamilya ng nasawing pulis bilang suporta sa kanilang pagdadalamhati. Nagbigay rin ng ayuda ang pamunuan ng PRO 2 sa pulis na nasugatan upang makatulong sa kanyang pagpapagamot.
Tiniyak ni PBGen Rodriguez na nakatuon ang buong hanay ng SITG sa paglutas ng kaso at hindi titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para sa mga biktima.
Matatandaan na apat na katao ang nasawi sa pamamaril sa kasagsagan ng barangay fiesta sa Brgy. San Rafael Abajo, Sto. Tomas, Isabela nitong Sabado ng gabi, Mayo 24.
Sa paunang imbestigasyon, dakong 7:50 ng gabi, May 24,2026 nang pagbabarilin ng mga suspek ang mga biktimang dumadalo sa selebrasyon ng pista habang nakaupo sa harap ng bahay ng isang pulis.











