
CAUAYAN CITY – Patay ang isang babae matapos pagbabarilin ng kanyang live in partner sa Bypass Road na bahagi ng Luyao. Luna, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Lyka Mae Asirit, 20-anyos at residente ng San Isidro, Luna, Isabela habang ang live in partner nito na suspek ay si Louie Desamito, 30-anyos, magsasaka at residente ng Luyao, Luna, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa tagasiyasat ng Luna Police Station na si PCpl. Mark Jove, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na bago ang pangyayari ay nagkasagutan ang dalawa sa kanilang farm sa bahagi ng barangay Luyao.
Sinasabing nag-ugat ang nasabing sagutan sa pagseseslos ng suspek.
Dahil dito ay nagwalk out umano ang biktima subalit sinundan siya ng suspek gamit ang kanyang motorsiklo.
Matapos nito ay pinagbabaril ng pinaghihinalaan ang biktima.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo ang biktima na nagsahi ng kanyang kamatayan.
Matapos ang pangyayari ay agad na tumakas ang pinaghihinalaan.
Agad namang naireport sa Luna Police Station ang pangyayari kaya agad nilang inalarma ang mga karatig nitong himpilan.
Agad namang nagpatrolya ang mga kasapi ng PNP Cauayan City SWAT at nakita nila sa bypass road ang suspek na nakamotorsiklo.
Huminto ang pinaghihinalaan at pagbaba pa lang ng mga kasapi ng Cauayan City PNP ay naging emosyonal na siya at sumuko rin sa mga kasapi ng PNP.

Batay naman sa pagsisiyasat ng Cauayan City Crime Laboratory, limang basyo ng bala ang nakuha sa pinangyarihan ng insidente habang hindi naman narecover ang SINASABING Caliber 45 na baril ng suspek na ihinagis umano nito sa talahiban matapos ang pangyayari.
Bagamat hindi na nagpatape interview ay inamin ni Desamito na dahil sa selos kaya niya nagawa ang pangyayari at nasa impluwensiya rin siya ng nakakalasing na inumin.
Labis naman ang kanyang pagsisi at naging emosyonal sa kanyang nagawa.










