Kinumpirma ni Atty. Nicholas Kaufman na sina Honeylet Avanceña at Veronica Duterte o mas kilala bilang Kitty Duterte ang pumili ng bagong counsel para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Atty. Kaufman, ipinaalam umano sa kanya ni Kitty Duterte na nagkasundo na sila ng kanyang ina sa bagong abogado na agad hahawak sa depensa ng dating pangulo, dahilan upang hilingin niyang makapagbitiw bilang lead defense counsel.
Sinabi rin ng abogado na bago niya isinulong ang kanyang withdrawal, humingi muna siya ng pahintulot kay Duterte.
Dagdag pa niya, humiling din ang Registry ng ICC ng kanyang pag-apruba kaugnay sa pagbisita ng prospective counsel kay Duterte, at hindi naman niya ito tinutulan.
Tiniyak ni Atty. Kaufman na hindi maaapektuhan ang takbo ng proceedings sakaling aprubahan ng Trial Chamber ang kanyang pag-atras sa kaso. Aniya, may sapat na karanasan ang papalit na abogado sa paggamit ng information technology system ng ICC at nakahanda itong dumalo sa status conference na itinakda sa Mayo 27.
Iginiit din ng abogado na ang anumang posibleng pagkaantala sa proceedings ay hindi dapat iugnay sa depensa, kundi sa prosekusyon umano na hindi pa nagbibigay ng malinaw na tugon hinggil sa availability ng mga pangunahing testigo para sa paglilitis.









