Itinutulak ng mga tagausig ng International Criminal Court (ICC) na pormal na simulan sa Nobyembre 2026 ang paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang administrasyon.
Sa isinumiteng ulat noong Mayo 15, sinabi ng prosekusyon na inaasahan nilang matatapos ang lahat ng kinakailangang paghahanda bago magtapos ang Setyembre 2026. Dahil dito, iminungkahi nilang simulan ang paglilitis sa Nobyembre 30 ng nasabing taon upang mabigyan ng sapat na panahon ang maayos na pag-aayos ng mga ebidensya at dokumento.
Samantala, iginiit ng mga abogado ng mga biktima ng kampanya kontra droga na mas mainam kung mas maagang sisimulan ang paglilitis sa Setyembre ngayong taon upang mapabilis ang proseso ng kaso at mabigyan agad ng pagkakataon ang iba pang biktima na makalahok sa pagdinig.
Sa panig naman ng depensa, muling binuksan ang usapin sa kalagayang pangkalusugan ni Duterte. Ayon sa kanyang bagong legal counsel na si Peter Haynes, kailangan umanong muling suriin ang kakayahan ng dating pangulo na humarap sa paglilitis dahil sa sinasabing patuloy na paghina ng kanyang kondisyon.
Giit ng depensa, hindi sapat ang naunang pagsusuring medikal na ginawa sa unang bahagi ng kaso at dapat itong repasuhin bago tuluyang itakda ang aktuwal na paglilitis.
Matatandaang noong Abril 23, kinumpirma ng hukuman ang mga kaso laban kay Duterte matapos siyang ideklarang “fit to stand trial” batay sa independiyenteng medical assessment.
Naipasa na rin ng ICC ang kaso mula Pre-Trial Chamber I patungo sa Trial Chamber III bilang paghahanda sa susunod na yugto ng proseso.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng murder at attempted murder bilang crimes against humanity kaugnay ng mga insidente ng pagpatay noong siya ay alkalde pa ng Davao City at kalaunan bilang pangulo sa ilalim ng kampanya kontra droga.











