Nakatakdang itayo ang bagong city fire station ng Bureau of Fire Protection (BFP) Ilagan sa Civic Center sa Barangay Alibago, City of Ilagan, Isabela, matapos isagawa ang groundbreaking ceremony para sa naturang proyekto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCInsp. Aimee Cariño, City Fire Marshal ng BFP Ilagan, sinabi niyang malaking milestone ito para sa kanilang hanay dahil magsisilbi itong karagdagang pasilidad para sa fire safety at disaster preparedness.
Ayon kay FCInsp. Cariño, itatayo ang bagong fire station sa likod ng DepEd at katabi ng Capital Arena, na inaasahang makatutulong upang mapabilis ang pagresponde sa mga sunog, partikular sa mga barangay sa western portion ng lungsod.
Sa kasalukuyan, iisa lamang ang fire station na nagsisilbi sa 91 barangay ng Ilagan City at mayroon itong limang fire truck, dahilan upang mahirapan ang mga bumbero na agad na makarating sa mga insidente sa malalayong lugar.
Sa pagkakaroon ng bagong istasyon, ilalaan dito ang ilan sa mga kasalukuyang fire truck, habang nangako naman ang regional at provincial offices ng karagdagang personnel.
Dagdag pa ng City Fire Marshal, nangako rin umano si Ilagan City Mayor Josemarie Diaz ng bagong fire truck na ilalaan sa naturang fire station.
Plano rin ng BFP Ilagan na gawing main station ang bagong pasilidad sa Civic Center, habang ia-activate naman bilang substation ang kasalukuyang fire station.
Nakatakda ring magkaroon ng panibagong substation sa Barangay Lullutan upang mas mapalapit ang serbisyo ng BFP sa mga kalapit na barangay.
Nagpasalamat naman si FCInsp. Cariño sa pamahalaang lungsod, sa pangunguna nina Mayor Diaz at Vice Mayor Jay Eveson Diaz, gayundin sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, dahil sa patuloy na suporta at pagkakaloob ng lote para sa bagong fire station.











