Naaresto ng San Manuel Municipal Police Station ang isang bagong tukoy na drug suspect sa buy-bust operation sa Brgy. District 1, San Manuel, Isabela bandang 10:45 ng gabi nitong May 17, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Leonardo Mamerga, Officer in Charge ng San Manuel Police Station, sinabi niya na ang inarestong suspek ay itinago sa alyas na “Pejay,” 22 anyos, residente ng Brgy. San Rafael, Roxas, Isabela.
Sa operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 1.4 gramo ng hinihinalang shabu bilang buy-bust item at karagdagang 1.4 gramo sa kanyang pag-iingat, na may kabuuang halagang humigit-kumulang ₱19,040.
Nasamsam din ang buy-bust money na ₱6,000, isang pouch na may pera, isang cellphone, at isang motorsiklong walang plaka.
Ayon kay PCpt. Mamerga, sa bayan ng Roxas at San Manuel ang operasyon ng suspek sa iligal na droga at patuloy pa nilang inaalam kung saan at kanino nanggagaling ang ibinebenta nitong ipinagbabawal na gamot.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Roxas Municipal Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.
Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na ipagpatuloy ang pagbibigay ng impormasyon upang mapalakas ang kampanya kontra ilegal na droga sa komunidad.











