Patuloy na kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran ang Super Typhoon BAVI malapit sa Northern Mariana Islands. Kaninang alas-10 ng umaga, namataan ang sentro ng mata ng bagyo sa layong 2,215 kilometro silangan ng Timog-Silangang Luzon at nananatili pa itong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 205km/h at pagbugsong hanggang 250km/h. Kumikilos ito pa west northward bilis na 20km/h.
Inaasahang papasok ang Super Typhoon BAVI sa PAR sa pagitan ng Lunes ng gabi at madaling araw ng Miyerkules. Sa oras na makapasok ito sa loob ng PAR, tatawagin na itong Bagyong Inday. Habang nasa Philippine Sea, inaasahang magpapatuloy ito sa pagkilos pahilagang-kanluran patungo sa Ryukyu Islands.
Ayon sa mga pagtataya, mananatili muna ang lakas nito bilang isang super typhoon habang papalapit sa bansa. Posible itong unti-unting humina habang dumaraan malapit sa pinakahilagang bahagi ng Luzon at habang papalapit sa silangang bahagi ng Taiwan.
Bagama’t mababa ang posibilidad na direktang tumama ito sa kalupaan ng Luzon, maaari pa ring magdulot ng malalakas na hangin sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon. Dahil dito, posibleng magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals sa mga nasabing lugar simula Martes ng gabi hanggang Miyerkules ng umaga, kung saan maaaring umabot sa Signal No. 2 o Signal No. 3 ang pinakamataas na babala.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na makaranas ng wind signals ang ilang bahagi ng Timog Luzon at Visayas. Samantala, inaasahang magdadala ang pinalalakas na Habagat ng pabugso-bugsong hangin sa maraming bahagi ng bansa mula bukas hanggang Miyerkules. Magiging sanhi rin ang Habagat at ang bagyo ng malalakas hanggang matitinding pag-ulan sa hilaga at kanlurang bahagi ng Pilipinas.





