Wala nang naisalba ang isang magsasaka sa De Vera, Cauayan City matapos tupukin ng apoy ang kanyang bahay habang siya ay nasa bukid alas siete y media ng umaga nitong Lunes, Pebrero 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Nenita Ramos, sinabi niya Lunes nang maitala ang sunog kung saan ay tinupok ng apoy ang bahay ni Noemie Pagguin ilang minuto lamang ang nakalipas bago pumunta sa bukid.
Batay anya sa salaysay ng biktima, hindi na nagtagal pa ng ilang oras ang sunog dahil light materials ang klase ng bahay at sa loob lamang ng labinlimang minuto ay wala nang natira sa kanilang mga kagamitan.
Sinubukan naman umanong tumulong ng mga residente upang maapula ang apoy subalit nahirapan lalo pa at poso lamang ang gamit sa barangay at mabilis din na kumalat ang apoy.
Nagkakataon naman anya na wala siya bilang punong barangay dahil mayroon siyang lakad. Hindi na rin anya naitawag pa sa BFP dahil sa layo ng kanilang lugar ay tiyak na abo na lamang ang madadatnan ng mga bumbero dahil ilang kilometro din ang layo ng barangay mula sa Poblacion.
Ayon pa sa Punong Barangay, batay sa kanyang pagtaya lamang ay umaabot sa P800,000 ang halaga ng tinupok ng apoy mula sa appliances, pera, damit at iba pang kagamitan pambahay.
Sa ngayon ay nakahingi na rin anya sila ng tulong mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod kung saan nangako ang Alkalde na magbibigay ng materyales habang nag-abot naman ng kaunting cash assistance si Vice Mayor Benjie Dy, ang DSWD, Vice Governor at House Speaker Boje Dy.
Bagaman may mga nagpahatid na ng tulong ay nananawagan pa rin sila ng karagdagang tulong upang mas mabilis na makabangon ang mga biktima ng sunog.
Sa mga nagnanais magbigay ng tulong, makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng Barangay De Vera o kontakin ang cellphone number na 0953-348-8094.
Samantala, inihayag ng BFP Cauayan na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa naganap na sunog sa Barangay Devera, Cauayan City na late na naiulat sa kanila dahil sa kalayuan ng lugar.
Ayon kay Fire Marshall FCInsp. Francis David Barcellano, kasama ng may-ari ng bahay ang Barangay Kapitan na nagtungo sa kanilang istasyon para iulat ang pangyayari.
Batay sa salaysay ng may-ari na si Noemie Pagguin na nasa bukid sila ng maganap ang sunog at nabigla na lamang na tupok na ang kanilang bahay.
Paalala ngayon ng BFP sa publiko na agad na iulat sa kanilang hanay ang anumang insidente ng sunog dahil 24/7 na bukas ang kanilang linya.
Pinag-iingat din ang publiko lalo na at muling nararamdaman na ang mainit na panahon para maiwasan ang anumang uri ng sunog.
Samanatala, tiniyak ng pamunuan ng BFP Cauayan City, na walang nangyayari na pagrekomenda sa mga bahay kalakal kaugnay sa pagbebenta p pagbili ng fire extinguisher.
Ito ay kasunod ng umanoy alegasyon ng korapsyon sa hanay ng buong BFP dahil sa mga overprice na fire extinguisher sa mga shop o tindahan na inirerekomenda umano ng BFP inspector.
Paalala niya na mahigpit tiong ipinagbabawal dahil pasya ng mga negosyante o kliyente kung saan sila bibili at ang mga fire extinguisher ay hindi basta pinapapalitan lalo kung hindi pa ito expired.
Sa katunayan may mga suot na aying body worn camaeras ang mga fire inspector para makasigurong walang anumang korapsyon o anumalya ang nangyayari alinsunod na rin sa direktiba ng DILG.











